Nov 21, 2004
#54 - Bayani nga ba?
Bagong Bayani daw ang tawag sa mga OFW o Overseas Filipino Workers ayon sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sino ba sila?
Ang OFW ay ang mga Pinoy na nagta-trabaho sa labas ng Pilipinas. Mapa-manedyer, inhinyero, duktor, programmer o tagapag-alaga, ikaw ay isang OFW.
Bakit kaya Bagong Bayani? Dahil ba sa pinapasok na dolyares ng mga OFW sa Pinas kaya sila tinawag na Bagong Bayani? Alam ba ng pamahalaan kung ano ang matinding dahilan ng Pinoy kaya sila umalis sa bansang Pilipinas?
Simple lang naman ang kasagutan! Alam naman ng buong bansa iyon. Ultimo batang paslit sa kalye alam ang dahilan – KAHIRAPAN!
Dahil sa mga kaguluhan at pangyayari sa ating pamahalaan, marami sa ating kababayan ang nawawalan na ng tiwala. Hirap na nga ng buhay, hirap pang maghanap ng trabaho at hirap pa maki-ayon ang mga pribadong sector sa pagtanggap ng mga empleyado! Kaya ang siste, kahit mahal ang gastos at mahirap ang buhay sa ibang bansa, pikit matang tinatanggap, magkaroon lamang ng magandang kinabukasan ang pamilya.
Hindi lahat ng mga kababayan natin ay pare-pareho ang dahilan sa paglisan sa bansang Pilipinas. Nandiyan ang pagtakas sa mahapding karanasan sa puso para makalimot, ang pagtakas sa mga kinauutangan at marami pang iba…
Walang halong biro ang kalagayan ng isang OFW. Lahat ay tinitiis mapabuti lamang ang pamilyang naiwan sa Pinas. Tinitiis ang lungkot, pangungulila, paninibago sa bagong kapaligiran at kaugalian ng bansa, at ang mas masakit – ang pagmamaltrato at pag-aalipusta!
Sa kabilang banda, marami ring OFW ang gumanda ang buhay. Mayroong nakapagpatayo ng magandang bahay, nakapag-negosyo, nakabayad ng utang at napagpatapos ang mga anak sa pag-aaral. Ngunit hindi lahat ay pareho ang kapalaran. Marami ding OFW ang umuwing may pait na karanasan sa kanilang pakikipagbanatan ng buto sa ibang bansa. Nandiyan ang nakulong, nabaliw, minaltrato, nagahasa, nakidnap at namatay.
May tulong ba galing sa pamahalaan para sa mga kababayan nating di naging maganda ang kapalaran sa ibang bansa? Kung hindi pa napabalita sa radio at telebisyon ang mga pangyayari sa tingin nyo kaya me gagawin ang pamahalaan? Siguro meron naman, pero hindi agad binibigyan aksyon, kunbaga, panghuli ka! Tapos ikaw pa ang pagagalitan kung bakit di ka humingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas. Ang tanong, meron bang matutulong?
Ngayon, sabihin nyo nga kung bakit Bagong Bayani ang tawag sa OFW?
--
Ayoko yatang matawag na ganun!
::
Posted by Mmy-Lei ::
01:52 ::
# ::
2 Comments:
Post your comments...
~~~~oo~~oo~~::>>Mmy-Lei<<::~~oo~~oo~~~~